Tuesday, November 24, 2009

Weeklong Devotional Series in Filipino

For 7 days, this Blog will feature Devotional series prepared by preacher Bro. Major Dave Chavarria of the Philippine Army. Have a blessful reading.

Days 1 & 2

PAMBUNGAD NA PANANALITA:

Ang layon ng seryeng ito ay una, ipaalala sa lahat ng mga mananampalatayang Kristiyano ang kadakilaan at kapurihan ng paggawa at gawain, na kung saan tumutulong ang Diyos. Wala nang iba iyon kundi ang gawaing pagpapanumbalik sa tao sa Diyos nila, kung saan nakikita ng Dakilang Lumikha ang Kanyang pinakamataas na kapurihan at kabanalan. Habang nakikita at nakikilala natin na ang sariling gawain mismo ng Diyos ang kinakailangan nating gawin, na ginagawa Niya iyon sa pamamagitan natin, na sa paggawa natin ng mga iyon, nakasalalay sa atin ang kapurihan Niya at nabibigyan natin Siya ng kapurihan, ibinibilang nating kaligayahan natin ang ibigay at ilaan natin ang mga sarili natin para makapamuhay nang ganap na ganap para doon lamang.

Kasabay niyon, layunin ko din dito na matulungan ang mga nagrereklamo, maski na ang mga siguro’y hindi marunong magreklamo, na nauuwi lang sa wala o pagkabigo ang mga paghihirap at pagsusumikap nila, na makita nila ang mga kadahilanan ng mga kabiguang iyon. Ang gawain ay dapat na magawa sa kapamaraanan mismo ng Diyos at sa pamamagitan ng mismong kapangyarihan Niya. Isa iyong ispirituwal na gawaing dapat gawin ng mga ispirituwal na mga lingkod, nang naaayon sa kapangyarihan ng Espirito-Santo. Mas malinaw ang pananaw natin doon, at mas ganap ang pagsuko natin sa mga utos ng Diyos sa paggawa, mas magiging sigurado at mas magiging napakalago ang magiging kaligayahan natin at ang makukuha nating mga pabuya doon.

Kasama na dito, nakikita ko ang napakaraming mga mananampalatayang Kristiyano na hindi nakikibahagi sa paglilingkod sa kanilang Panginoon. Na walang ginagawa kundi ang makinig lang sa mga itinuturo ng mga pastor nila! Hindi nila kailanman naunawaan na ang pangunahing pagkakakilanlan ng isang Banal na buhay sa Diyos at sa Panginoong Hesu-Kristo ay PAGIBIG, at ang ginagawa niyong pagpapala sa sangkatauhan. Hinding-hindi maipapakita ang Banal na buhay na nasasa-atin sa ibang kapamaraanan maliban doon! Ipapakita ko sa inyo dito, na kalooban ng Diyos para sa LAHAT ng mga mananampalatayang Kristiyano, walang exception, ano man ang katayuan niya sa buhay, ang ibigay niya nang ganap ang sarili niya para mabuhay at gumawa at magtrabaho para sa Diyos.

Layunin ko rin para doon sa mga iilang mayroong kakayahang makapagturo sa mga iba patungkol sa buhay-Kristiyano at sa gawaing kaakibat niyon, na makasumpong sila ng mga kaisipang magagamit nila sa pagtuturo ng imperative duty o napakahalagang kailangang-kailangang katungkulan, ang urgent need o mahigpit na pangangailangan, ang Kabanalan ng pagpapala ng isang buhay na ibinigay sa gawain para sa Diyos, at gisingin sa buong kamalayan nila ang kapangyarihang gumagawa at kumikilos sa kanila, pati na ang Espirito at kapangyarihan ni Kristo mismo.

Dalangin ko na nawa’y gawin tayong lahat ng Diyos, ang Dakilang Manggagawa, na mga tunay na Kamanggagawa Niya na kasama Niya!

SUNDAY: PAGHIHINTAY AT PAGGAGAWA Isaiah 40:31; 64:4

Dito’y meron tayong dalawang teksto kung saan ang koneksiyon sa pagitan ng paghihintay at paggagawa ay napakalinaw na niliwanag. Sa una ay makikita natin na ibinibigay ng paghihintay ang kinakailangang kalakasan para sa paggagawa – na iyo’y akmang-akma para sa maligaya at hindi nakakapagod at walang problemang gawain. (READ Isaiah 40:31). May napakalaking kabuluhan ang paghihintay sa Diyos dito: Pinalalakas tayo niyon sa gawain para sa Kanya! Ipinapakilala naman ng pangalawa ang sekreto ng kalakasang ito: (READ Isaiah 64:4). Siniseguro at binabantayan dito ng paghihintay sa Diyos ang paggawa Niya sa atin at sa kalooban natin, kung saan kinakailangang magbubukal o magmumula ang paggawa natin. Dalawang napakadakilang aral ang itinuturo sa atin ng dalawang talatang ito, na habang ang paghihintay sa Diyos ay nakasalalay sa ugat o pinagmumulan ng lahat ng mga totoo at tunay na paggawa para sa Kanya, kaya ang paggawa para sa Kanya ay kinakailangang maging ang bunga ng lahat ng totoo at tunay na paghihintay sa Kanya! Ang pinakamalaking pangangailangan natin ay ang hawakan ang magkabilang-panig o dalawang bahagi ng katotohanang iyon nang may perfect conjunction and harmony o ganap na pagsasama-sama o pagkaka-akibat.

Merong mga ilang mangagsasabing naghihintay sila sa Diyos, pero hindi naman nagsisigawa para sa Kanya. Para doo’y merong mga iba’t-ibang mga kadahilanan. Heto ang isa na nalilito sa tunay na paghihintay sa Diyos (sa pamamagitan ng direktang pakikisalamuha sa Kanya bilang ang Tunay at Buhay na Diyos), at sa pagiging naka-asa sa Kanya ng kalakasan at kakayahan, na may kasamang pag-ayaw sa gawain at walang pakinabang na paghihintay na ginagawa niyang alibi o excuse lang sa hindi paggawa, hanggang sa siguro’y nainip na ang Diyos sa kawalan niya ng pagkilos na medyo pinagaan Niya ang trabaho para lang makapag-umpisa siyang gumawa! Heto pa ang isa na tunay na naghihintay sa Diyos, na tinitingnan niya iyon bilang ang pinakamataas na magagawa niya sa buhay-Kristiyano, pero hindi naman naunawaan kailanman na sa ugat ng lahat ng tunay na paghihintay ay kinakailangang naroroon ang pagsuko at kahandaang maging ganap na naka-akma sa paggamit ng Diyos sa paglilingkod sa sangkatauhan. At heto naman ang isa na nakahanda sa trabaho pati na sa paghihintay, pero naghahanap naman ng ilang malakas na pagdaloy ng kapangyarihan ng Espirito para mabigyan siya ng kakayahang makagawa ng magigiting na mga gawa, habang nakakalimutan niyang bilang isang mananampalataya’y nasasa-kanya nang nananahan ang Espirito ni Kristo; na ang mas malaking grace o biyaya ay ibinibigay lamang para doon sa mga matatapat na mga maliliit at mahihina; at iyon ay sa paggawa lamang na matuturuan tayo ng Espirito kung papaanong gawin ang mga mas malalaki at mas mabibigat na mga gawain. Kaya’t dahil dito, lahat ng mga Kristiyano, ay kinakailangang matutuhan na ang paghihintay ay mayroong paggawa na nilalayon, na sa paggawa o pagkilos lamang makakamit ng paghihintay ang buong kaganapan at pagiging pinagpala. Iyon ay habang itinataas natin nang itinataas ang paggawa natin para sa Diyos sa tunay niyang lugar, bilang ang pinakamataas na pagganap ng ispirituwal na pribilehiyo at kapangyarihan, na ang tunay na pangangailangan at ang banal na pagpapala ng paghihintay sa Diyos ay ganap na makikita at makikilala!

Sa kabilang banda, merong ilan at meron ding marami, na gumagawa para sa Diyos, pero kakaunti lang ang nalalaman patungkol sa paghihintay sa Kanya. Naturuan silang mag-aral patungkol sa gawaing-Kristiyano, sa pamamagitan ng natural o relihiyosong pakiramdam, sa pagpapahinuhod sa kanila ng isang pastor o ng lipunan, pero napakaliit naman ng kaalaman na napakabanal na bagay ang gumawa para sa Diyos. Hindi nila alam na ang trabaho ng Diyos ay magagawa lamang sa pamamagitan ng kalakasan ng Diyos, at sa pamamagitan ng Diyos na mismong gumagawa sa atin. Hindi nila natutunan kailanman na, ang Anak ng Diyos na Panginoon natin ay hindi nakakagawa nang sa sarili lang Niya, kundi sa pamamagitan lang ng Amang nasasa-Kanya na ginagawa ang lahat para sa Kanya, habang nabubuhay Siyang patuloy na nakaasa sa Kanya, kaya rin naman ang bawat mananampalataya’y walang magagawa kundi sa pamamagitan lang ng Diyos na gumagawa at kumikilos sa kanya. Hindi nila nauunawaan na sa ganap na kahinaan nila sila makakaasa sa Kanya.. Makakapanatili ang kapangyarihan Niya sa kanila. Kaya wala silang kaalam-alam sa patuloy na paghihintay sa Diyos bilang isa sa mga una at kinakailangang mga kondisyon ng matagumpay na paggawa. At ang Iglesya ni Kristo at ang mundo ay sobrang nagdurusa sa mga panahong ito! Hindi lang dahil sa marami sa mga miyembro niya ang mga hindi nangagsisigawa at nangagsisikilos para sa Diyos, kundi dahil din sa ang napakaraming mga gawain para sa Kanya ay ginagawa nang hindi naghihintay sa Kanya!
Sa mga miyembro ng Katawan ng Panginoong Hesu-Kristo, ang Iglesya, napakaraming mga iba’t-ibang mga kaloob na mga kakayahan at gawain. Ang mga ilan, na nasa mga bahay lang nila’y hindi mga nakakalabas nang dahil sa sakit o mga iba pang mga ginagawa, ay maaaring mas maraming panahon para sa paghihintay sa Diyos kesa sa oportunidad na direktamenteng makagawa o makapagtrabaho para sa Kanya. Ang mga iba naman na sobrang nakasubsob ang ulo sa pagtratrabaho ay nahihirapang makahanap ng mas mahaba-habang panahon at katahimikan para sa paghihintay sa Kanya. Maaari itong makapuno sa kakulangan ng bawat isa. Dapat na ang may maraming panahon para sa paghihintay sa Diyos ay umugnay doon sa mga ilang gumagawa. Lahat naman ng mga abalang gumagawa ay humingi dapat ng tulong doon sa mga binigyan at pinagkatiwalaan ng espesyal na ministeryong maghintay sa Diyos. Sa ganoong kapamaraanan, mapapanatili natin ang kalusugan ng buong Katawan ni Kristo o ng Iglesya Niya! Para iyong mga naghihintay ay matutunan na ang kalalabasan ay ang kapangyarihan at kalakasan para gumawa, at iyong mga gumagawa, na ang tanging kalakasan nila ay ang pagpapala at kahabagang natatamo lang sa pamamagitan ng paghihintay. Kaya ang Diyos ay gagawa at kikilos para sa Iglesya Niyang naghihintay sa Kanya.

Manalangin tayong lahat na habang nagpapatuloy tayo ng pag-aaral sa seryeng ito ng paggawa at pagkilos para sa Diyos, na maipakita sa atin ng Banal Na Espirito kung gaano ka-sagrado at kakailangan at ka-urgent ang tawag sa atin para gumawa, kung gaano kaganap ang pagaasa natin sa kalakasan ng Diyos na maging kaganapan sa atin, gaanong kaseguro na lahat ng mga naghihintay sa Kanya ay magkakaroon palagi ng panibagong kalakasan, at kung papaano nating makikita na ang paghihintay sa Diyos at ang paggawa para sa Kanya ay tunay na hindi mapaghihiwalay!

MONDAY: MABUBUTING MGA GAWA – ANG ILAW NG SANLIBUTAN!
Matthew 5:14, 16

Ang liwanag ay palaging para doon sa mga nasa kadiliman, para sa pamamagitan ng liwanag na iyon ay maliwanagan at makakita sila. Iniilawan ng araw ang kadiliman ng mundong ito. Ang isang ilawan ay isinasabit sa isang madilim na lugar para mabigyan ng kaliwanagan iyon. Ang Iglesya ni Kristo ay ang liwanag ng sangkatauhan. Binulag ng diyos ng mundong ito – ni Lucifer, ang kanilang mga mata; ang mga disipulo ni Kristo ay dapat na sumikat nang maningning para makapagbigay ng kaliwanagan sa kanila. Habang ang sinag ng kaliwanagan ay nagmumula sa araw at ikinakalat sa lahat ng dako ang kaliwanagang yon, gayon din naman, ang mabubuting mga gawa ng mga mananampalataya ang nagsisilbing ilaw na nagmumula sa kanila para mabalot ng kaliwanagan ang nakapaligid na kadiliman, sa kawalan niyon ng kaalaman at kaunawaan patungkol sa Diyos at sa hindi nila pagkakakilala at pagkakalayo nila sa Kanya. Anong taas, laki at kabanalang katayuan at pagpapahalaga ang ibinibigay sa mga mabubuting gawa natin! Anong laking kapangyarihan ang pagkilala sa mga iyon! Anong laki ng pag-asa sa mga iyon! Hindi lang ang mga iyon ang ilaw at kalusugan at kaligayahan ng sarili nating buhay, kundi pa sa bawat gawa ay mga pamamaraan ng pagdadala ng mga naliligaw na mga kaluluwang nasa kadiliman papasok sa kagilagilalas na liwanag ng Diyos! Higit pa doon…hindi lang nila napapagpala ang mga tao, nabibigyan pa nila ng kapurihan ang Diyos, sa pag-aakay sa mga tao para makilala Siya bilang ang May-Akda ng mga kahabagan at pagpapalang nakikita sa mga anak Niya! Pag-aralan nating mabuti ang mga katuruan sa mga Nakasulat patungkol sa mabubuting gawa, lalong-lalo na patungkol doon sa lahat ng mga ginagawang direkta para sa Diyos at sa Kanyang Kaharian. Pakinggan natin kung ano ang mga itinuturong aral sa atin ng mga salitang iyon mula sa Panginoon.

Ano ba ang nilalayon ng mga mabubuting mga gawa? Iyon ay para mabigyan ng kapurihan at maluwalhati ang Diyos. Natatandaan pa ba ninyo ang kung papaanong sinabi ng Panginoong Hesus sa Diyos-Ama sa John 17:4 na: “I have glorified Thee on the earth, I have finished the work which Thou gavest Me to do.” “Nabigyan na Kita ng kapurihan at kaluwalhatian dito sa ibabaw ng mundo, natapos at nagampanan Ko na ang gawaing ibinigay Mong ipinagagawa Mo sa Akin.” Nabasa o narinig na natin ang patungkol sa mga milagrong nagawa na Niya kung saan pinupuri ng mga tao ang Diyos. Iyon ay dahil sa ang mga yaon ay kitang-kitang ginawa Niya nang sa pamamagitan ng isang Banal na Kapangyarihan. Kaya naman, kapag ang mabubuting mga gawa din natin ay higit kaysa sa mga ordinaryong mga ginagawa ng mga tao, at nakikita doon sa mga yaon ang Kamay ng Diyos, na pupurihin ng mga tao ang Diyos natin! Kinakailangang ang mga yaon ay maging ang mga mabubuting gawa na katuruan sa Sermon sa Bundok o ‘yung mga “Beatitudes” ng Panginoong Hesu-Kristo natin – isang buhay ng mga anak ng Diyos, na gumagawa nang higit kaysa sa iba at nagsusumikap na maging perpekto gaya ng ka-perpektuhan ng kanilang Amang nasa langit. Maaaring hindi agad mangahulugang conversion o pagbabalik-loob uli sa Diyos ang mga pagpupuring iyon ng mga tao, pero iyon ay isang paghahanda para doon kapag ang isang impresyong katanggap-tanggap sa Diyos ay nagawa na. Inihahanda ng mga mabubuting gawa ang daan para sa mga ipapahayag, at mga ebidensiya sa reyalidad ng Banal na katotohanang itinuturo, habang kung wala ang mga iyon, ang mundo ay walang-kaya o powerless.

Ang buong mundo ay ginawa para sa kapurihan ng Diyos. Dumating ang Panginoong Hesu-Kristo dito sa mundong ito para tubusin tayo sa kasalanan at ibalik tayo para paglingkuran at purihin Siya. Inilagay ang mga mananampalataya sa mundong ito para sa iisang dahilan at nilalayong ito: na mahayaan nilang ang kanilang liwanag ay maningning na suminag sa mabubuting gawa, para makaakit at makaakay ng mga tao sa Diyos! Gaya ng katotohanang ang ilaw ng araw ay para maliwanagan ang buong mundo, ang mabubuting gawa ng mga anak ng Diyos ay para magsilbing ilaw para doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at sa pagmamahal Niya. Anong laking pangangailangan, na makapagpakita tayo ng tunay na kahulugan nang kung ano ang tunay na mga mabubuting gawa, bilang nagtataglay ng tatak ng isang bagay na makalangit at banal, at nagtataglay ng isang kapangyarihang makapagpakilala na ang Diyos ay nasasa-kanila!
Ano ang patungkol naman sa kapangyarihan ng mabubuting mga gawa? Heto - patungkol sa Panginoong Hesu-Kristo ay nakasulat sa John 1:4 na: “In Him was life, and the life was the light of men.” “Nasa Kanya ang buhay, at ang buhay na iyon ang ilaw ng mga tao.” Ibinigay ng isang Banal na buhay ang isang Banal na liwanag. Patungkol sa mga alagad Niya, sinabi ng Panginoong Hesu-Kristo sa John 8:12 na: “If any man follow Me, he shall not walk in darkness, but have the light of life.” “Sinuman ang sumunod sa Akin, hinding-hindi siya kailanman lalakad sa kadiliman, kundi mapapasa-kanya ang Ilaw ng Buhay.” Si Kristo ang Buhay at Ilaw natin. Kapag sinasabi sa ating, “Hayaan ninyong magningning nang napakaliwanag ng ilaw ninyo”, ang pinakamalalim na kahulugan niyon ay, “hayaan ninyong si Kristo, na nananahan sa inyo, ay napakaningning na magliwanag!” Habang nang sa kapangyarihan ng buhay Niya, ninyo ginagawa ang mga mabubuting gawa ninyo, kitang-kitang maningning na nagliliwanag ang ilaw ninyo doon sa lahat ng mga makakakita sa inyo. At dahil sa si Kristo na nasasa-inyo ang ilaw ninyo, kahit na gaanong kaliit o kahina ng mga iyon…ng mga mabubuting nagagawa ninyo…ay matataglay pa rin niyon ang kapangyarihan ng isang Banal na conviction o pagpapaamin. Ang sukat o lakas ng Banal na kapangyarihang nakapagpapagawa niyon sa inyo ang siya ring magiging sukat o lakas ng kapangyarihang gagalaw at gagawa para doon sa mga nakakakita ng mga iyon. Magbigay-daan kayo, mga anak ng Diyos, ngayon na, sa Buhay at Ilaw ni Kristong nananahan sa inyo, at makakakita ang mga tao mula sa mga mabubuting gawa ninyo, na sa pamamagitan ng mga iyon ay pupurihin nila ang Ama ninyong nasa langit!

Patungkol naman sa urgent need o agarang pangangailangan, ngayon na, ng mabubuting gawa sa mga mananampalataya – gaya rin naman ng kinakailangang sumikat ang araw, araw-araw, napakahalagang gayon din naman, ay kinakailangang pasikatin ng bawat mananampalataya nang napakaningning ang kanyang liwanag sa gitna ng mga tao sa bawat sandali! Para dito ay nilalang tayo ulit bilang mga bagong tao kay Kristo, para mataas na mataas na hawakan ang Salita ng Buhay, bilang ilaw sa mundong ito. Kailangang-kailangan kayong lahat ni Kristo, para maningning na maningning na magliwanag ang Ilaw Niya sa pamamagitan ninyo! Kailangang-kailangan ng mga nangaliligaw ng landas sa paligid ninyo ang inyong ilaw, kung maghahanap sila ng daan patungo sa Diyos. Kailangan kayo ng Diyos, para makita ang katuwiran at kapurihan at kaluwalhatian Niya sa pamamagitan ninyo. Gaya rin naman na buong-buong ibinibigay ng isang ilawan ang liwanag niya para papagliwanagin ang isang madilim na lugar, gayon din naman kayo…ang bawat isang mananampalataya, ay dapat na ibigay nang buong-buo ang sarili niya para maging ilaw na makapagpapaliwanag sa isang napakadilim na mundo!

Patuloy nating pag-aralan ang kung ano talaga ang paggawa para sa Diyos, at kung ano ang kahulugan ng mabubuting gawa, bilang bahagi nito, nang may pagnanasang ganap na sumunod sa Panginoong Hesu-Kristo, para mapagningning nating mapagliwanag ang Ilaw ng Buhay…walang iba kundi ang Panginoong Hesu-Kristo natin, sa puso natin, sa buhay natin at mula sa atin, para sa buong kapaligiran! (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment