Saturday, November 28, 2009

Final Day of the Weeklong Filipino Devotionals by Bro. Dave Chavarria

Larawan: Ang may akda (Bro. Dave Chavarria, huling kanan) kasama ng ilang kaibigan at Senador Ping Lacson.

SATURDAY: NILALANG NA BAGO KAY KRISTO PARA SA MABUBUTING GAWA!

Ephesians 2:8-10

Nailigtas tayo, hindi nang dahil sa mga mabubuting gawa, KUNDI PARA SA MGA MABUBUTING GAWA! Anong laking pangangailangang makilala at maintindihan ang napakalaking kaibahan ng dalawang iyon para sa ikakalusog ng buhay-Kristiyano! Hindi nang dahil sa kahit na anong mga mabubuting ginawa natin, bilang ang pinanggalingan kung saan nagmumula ang kaligtasan, na naligtas tayo. Kundi para sa mabubuting mga gawa, bilang bunga at kinalabasan ng kaligtasan, bilang bahagi ng trabaho ng Diyos sa atin, ang siyang iisang bagay kung bakit nilalang tayo ulit na mga bagong tao. Kung walang halaga o kabuluhan ang mga gawa natin sa pagtamo natin ng kaligtasan, gayon naman kawalang-katapusan ang kabuluhan at kahalagahan at kalaki ng mga iyon sa kung para saan tayo nilalang at inihanda ng Diyos. Pagsumikapan nating panghawakan ang dalawang katotohanang ito sa kanilang tunay na ispirituwal na kahulugan. Mas malalim ang kompiyansa at paniniwala natin na naligtas tayo, hindi nang dahil sa mga gawa, kundi ng dahil sa grace o kahabagan lamang ng Diyos, mas malakas at mas matindi ang maibibigay at mapapakita nating patunay na naligtas nga tayong talaga PARA SA MABUBUTING GAWA O PARA GUMAWA NG MABUBUTI!

Hindi nang dahil sa inyong mga ginawa, dahil mga sarili kayong likha ng Diyos! Kung ang mga nagawa ninyo ang nakapagligtas sa inyo, wala nang pangangailangan pa sa katubusan natin. Dahil sa ang lahat ng mga gawa natin ay makasalanan at walang bisa o walang halaga, nagsumikap ang Diyos na lalangin tayo ulit--kaya tayong ngayon ay mga sarili na Niyang mga gawa, at lahat ng mga mabubuting gawang ginagawa natin ay mga sariling gawa rin Niya. Sa sarili Niyang gawa, nilikha Niya tayong bago sa pamamagitan ni Kristo-Hesus. Sobrang ganap ang kasiraang nagawa ng kasalanan, na kinakailangang ulitin ulit ng Diyos ang paglalang sa sangkatauhan kay Kristo-Hesus. Sa Kanya, at higit sa lahat sa pagka-buhay Niyang mag-uli mula sa mga patay, nilalang Niya ulit tayong mga bago, mula sa Kanyang wangis o larawan o image, tungo sa wangis o kagaya ng buhay kung papaanong namuhay si Kristo. Sa kapangyarihan ng buhay at pagka-buhay Niyang mag-uli sa mga patay na iyon, makakaya na natin, at akmang-akma na tayong gumawa ng mga mabubuting mga gawa. Gaya ng mga mata natin, dahil sa nilalang ang mga iyon para sa liwanag, na akmang-akma para sa disenyo para doon sa trabahong iyon, gaya rin ng sanga ng puno ng ubas na nilalang para magbunga ng mga ubas, na ginagawa rin nang natural ang trabaho niya, tayo rin naman na mga nilalang kay Kristo-Hesus para sa mga mabubuting gawa, ay makakaasa at makakaseguro na isang banal na kapasidad para sa mabubuting mga gawa ay ang pinaka-batas ng pagkakalalang sa atin. Kung malalaman, kikilalanin at paniniwalaan lang natin ang kapalaran o destiny nating ito, kung ipapamuhay lang natin ang buhay natin kay Kristo-Hesus, gaya nang pagkakalalang nating mga bago na sa Kanya, magiging napakabunga nating saganang-sagana sa bawat mabubuting mga gawa!


Nilikhang bago para sa mabubuting gawa, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una, para maipamuhay natin! Naihanda na tayo para sa mga trabaho natin, at ang mga tratrabahuhin natin ay naihanda na para gagawin na lang natin. Para maunawaan ito, ay pag-isipan ninyo kung papaanong bago pa man maipanganak ang mga lingkod ng Diyos noong araw na sina Moses at Joshua, Samuel at David, Peter at Paul, para sa mga trabahong inihanda at plinano na Niya para sa kanila, at itinalaga at hinati-hati na Niya ang mga trabahong iyon para sa bawat isa sa kanila. Ang pinakamahinang miyembro o bahagi ng katawan ay patas o pantay na inaalagaan ng Pangulo gaya rin ng pinakamalakas. Inihanda ng Diyos-Ama para sa mga pinaka-aba sa mga anak Niya ang mga trabaho nila katulad din ng mga ibinibilang Niyang mga tagapanguna. Para sa bawat anak Niya, meron Siyang isang plano para sa buhay nila, na merong trabahong ibinahagi Niya nang naaayon lang sa kapangyarihan, kahabagan o grace na ibinigay Niya na sapat na sapat na naaayon sa trabahong inilaan Niya. Kaya naman, kasing lakas at kasing linaw ng katuruang, kaligtasan hindi nang dahil sa mabubuting nagawa, ang counterpart niyang, kaligtasan para sa mabubuting gawa, dahil nilalang tayo ng Diyos na mga bagong nilalang para doon, at inihanda pa tayo para sa mga iyon!


Kaya kinokumpirma o pinapatotohanan ng mga Nakasulat ang dalawang aral natin sa seryeng ito, na nasang maipaunawa sa inyo. Una, na ang mabubuting mga gawa ay ang tanging layunin ng Diyos para sa bagong buhay na ibinigay Niya sa inyo, at kinakailangang iyon din ang maging tanging layunin ninyo! Dahil ang bawat tao ay nilalang para sa trabaho, at nabigyan ng mga kinakailangang mga kakayahan at kapangyarihan, at makakapamuhay lang ng isang tunay, tama at napakalusog na buhay-Kristiyano sa pamamagitan ng pagtratrabaho o paggagawa, kaya naman ang bawat mananampalataya’y nabubuhay para gumawa ng mga mabubuting mga gawa, para sa mga gawang iyon, ang buhay niya ay maging perpekto, ang mga kapwa-tao niya’y mapagpala, at ang Diyos-Ama niyang nasa langit ay mabigyan ng pinaka-mataas na kapurihan. Tinuturuan natin ang lahat ng mga anak natin nang nasasa-isip natin na kinakailangan silang magtrabaho sa mundong ito: kailan kaya naman matututunan ng Iglesya na ang pinakamalaking trabaho niya ay ang turuan at sanayin ang bawat mananampalataya na ibigay ang bahagi niya sa dakilang trabaho ng Diyos, at maging napakasaganang namumunga ng mga mabubuting mga gawa kung saan siya’y nilikhang bago? ANG PROBLEMA, NAPAKASIPAG NA MAGTURO NG PASTOR, AYAW NAMANG KUMILOS NG MGA TUPA! PAKINIG LANG NANG PAKINIG, HINDI NAMAN GINAGAWA ANG NAPAPAKINGGAN NIYA! Sana’y pagsumikapan nating unawain at isa-puso ang malalim na ispirituwal na katotohanan sa mensaheng, “Nilalang kay Kristo-Hesus para sa mabubuting gawa, na inihanda na ng Diyos noon pa mang una” para sa bawat isa, at naghihintay magpa-hanggang ngayon na gawing kaganapan ng mga mananampalataya!


Ang pangalawang aral--na ang paghihintay sa Diyos ang tanging pinakamalaking bagay na kinakailangan nating lahat, kung, gagawin natin ang mga mabubuting mga gawang inihanda na para sa atin ng Diyos. Isa-puso natin ang mga Salitang ito sa Banal nilang kahulugan: ”Tayo’y mga sariling lalang ng Diyos. Hindi isang minsanang gawa lang noong nakaraan, kundi sa isang patuloy at nagpapatuloy na proseso at operasyon. Nilalang tayo para sa mabubuting gawa, bilang isang dakila at pinakamataas na pamamaraan ng pagpupuri sa Diyos. Ang mga mabubuting mga gawa ay nakahanda para sa bawat isa sa atin, para maipamuhay natin. Ang pagsuko at at pag-asang lubos sa paggawa o pagtratrabaho ng Diyos sa inyo ang tanging pangangailangan ninyo. Pag-isipan natin at kunsiderahin nang malalim ang kung papaanong ang pagiging mga bagong nilalang natin para sa mga mabubuting mga gawa ay na kay Kristong lahat at nananahan sa Kanya, naniniwala sa Kanya, at makikita ninyo, na ang paghahanap sa kalakasan Niya lang, ay magiging ang hinahanap-hanap at makakasanayan na ng mga isip at kaluluwa natin. Ang mga salitang, “NILALANG PARA SA MGA MABUBUTING MGA GAWA!”, ay ipapakita sa atin kaagad ang Banal na utos at ang sapat na sapat na kapangyarihan at kakayahang makapamuhay ng isang buhay na napakasaganang nagbubunga ng mga mabubuting mga gawa.


Idalangin natin sa Banal na Espirito na hayaan Niyang tumimong napakalalim ng tunay na kahulugan ng mga salitang ito sa buong kamalayan natin: “Nilalang kay Kristo para sa mabubuting mga gawa! Sa liwanag ng katotohanang iyon, matututuhan nating anong napakaluwalhating kapalaran, anong walang katapusang obligasyon, at anong perpektong kapasidad ang nasasa-atin! (Bro. Dave Chavarria)

No comments:

Post a Comment